Mapang-akit ang liwanag sa
panahon na binabalot ang mundo ng dilim... binabalot tayo ng dilim.
Noon pa man malaki na ang
pagpapahalaga natin sa liwanag. Itinuturing natin na diyos ang araw na
nagdadala ng liwanag, ng pag-asa sa walang hanggang posibilidad ng pagkakataon,
na uunlad ang ating kalagayan sa pagdating nito at sasalubungin tayo nito
kasama ng katuparan ng ating mga pangarap. Gayunpaman, hindi natin hawak ang
ating panahon, dumaraan ang maghapon kung saan kinakailangan ng magpahinga ng
araw. Sa pagpapahinga ng araw unti-unti tayong binabalot ng dilim, ng agam-agam
at pangamba. Kaya’t naisipan nating lumikha ng mga sulo na siyang magluluwal ng
apoy para bigyan tayo ng pansamantalang liwanag hanggang dumating ang bukas.
Sa panahon na sinakop tayo
ng Espanyol nagdala sila ng katumbas ng ating mga sulo. Mas tumatagal ito sapat
para sa kadilimang hatid ng gabi. Ginamit ito ng ating mga bayani para
mag-organisa at magmulat sa mga kapwa nating pilipino, ginamit nila ito para
magbigay kaalaman sa tunay na kalagayan ng bansa, ginamit nila ito para wakasan
ang tunay na kadilimang kinakaharap ng mamamayang Pilipino: ang kamangmangan. Apat
na daang taon mahigit na ang lumipas ngunit hindi pa rin nakakamtan ng ating
mga kababayan ang kaginhawaang dulot ng liwanag, ang kaginhawaang dulot ng
LAMPARA.
Panahon pa lamang ni Jose
Rizal ay alam niya na ang dulot ng kaalaman kaya naman pursigido niyang sinikap
na magpakahusay at ng sa susunod ay wakasan nya ang kamangmangan. Ngunit alam
ng kanyang ina na si Dona Teodora Alonzo ang panganib na hatid ng kaalaman
kaya’t binigyan nya ng anektoda ang kanyang anak. May mag-inang gamu-gamo na
nakakita ng liwanag mula sa nagniningas na apoy mula sa lampara aniya. Nakita
ng ina na tuwang-tuwa ang batang gamu-gamo sa liwanag na hatid ng apoy sa
lampara. Ninais ng gamu-gamo na lapitan ang lampara ngunit pinigilan siya ng
kanyang ina pinagbalaan siya na bagama’t nakakaakit ang ganda ng apoy ay
nakakamatay ito. Hindi nagpapigil ang batang gamu-gamo, lumapit ito sa lampara
naramdaman niya ang init, napaso ito, nasunog, natupok, namatay.
Animo’y propesiya ang
binitawan na anekdota ni Dona Teodora Alonzo sa kanyang anak. Naganap ito
sapagkat si Rizal ay tulad ng gamu-gamo na halina sa dulot na liwanag ng
edukasyon hanggang sa maging maalam, at ang kanyang kaalaman ang nagpasibol sa
mga Pilipino na mag-aral para sa kinabukasan ng bayan. Ito ang naging dahilan
ng kanyang pagkamatay. Marahil sa mababaw na pagsusuri, aakalain natin na ang
aral na dulot ng anekdota ay huwag ng magtangkang mag-aral ng mabuhay ng
matagal, ngunit hindi. Ang anekdota ay hindi lamang nagpapakita ng posibilidad
na dulot ng liwanag, pinapakita rin nito ang matapang na pagbagtas ng batang
gamu-gamo sa apoy para malaman o madanas kung ano ang pakiramdam ng mapalapit dito.
Kambal na isinisilang ang
buhay at kamatayan sa bawat tao na nasisilayan ang mundo ngunit hindi lahat ay
nagkakaroon ng lakas ng loob na tahakin ang liwanag, ang daan tungo sa wakas ng
kamangmangan. Lahat tayo ay mamamatay dahil ito ang ating kapalaran bilang tao
ngunit hindi lahat ay namamatay ng makabuluhan. Namatay ang gamu-gamo ngunit
namatay siyang may alam. Marami tayong gamu-gamo na nabubuhay sa bansang
nababalot pa hanggang sa kasalukuyan ng dilim. Mayroong liwanag na humahati
sa pumpon ng dilim kinakailangan na lang natin itong sundan, kinakailangan na
lang natin itong lapitan. Maaaring sa pagtahak natin dito ay mamatay tayo
ngunit alam natin sa ating mga sarili na namatay tayong may alam at nabigyan
natin ng makabuluhang pakahulugan ang ating buhay.
Mayroong liwanag na humahati sa pumpon ng dilim kinakailangan na lang natin itong sundan, kinakailangan na lang natin itong lapitan.
Mapang-akit
ang liwanag sa panahon na binabalot ang mundo ng dilim... binabalot tayo ng
dilim. Pasinayahan
natin ang liwanag na mapang-akit at isilid natin ito sa lampara ng maibahagi
natin ito sa ating mga kapwa na hanggang ngayon ay binabalot ng kadiliman.
Inaanyayahan tayong maging lampara ng ating panahon, huwag nawa nating sayangin
ang pagkakataon na makapagbigay ng liwanag at maging liwanag mismo ng bayang
ito. Sindihan mo’t pag-alabin ang iyong puso, ito ang magiging bukal ng
maaliwas na susunod na salin-lahi, hasain mo ang iyong isip mula sa mga danas
na magiging dulot ng iyong pagsapi, ito ang lilikha ng pagbabago sa ating
lipunan.
Maging Lampara ka kaibigan
at maging lampara tayo ng ating henerasyon!
(John Robert Magsombol is LAMPARA's Director for Training and Development. He is also an activist for gender, students' rights and welfare, education, and Filipinism.)
Prime Movers is Lampara's section for ideas that matter. It aims to spark meaningful discussions that may yield specific solutions. To become a contributor, email us at lampara.multimedia@gmail.com
Prime Movers is Lampara's section for ideas that matter. It aims to spark meaningful discussions that may yield specific solutions. To become a contributor, email us at lampara.multimedia@gmail.com
Mga etiketa: John Robert Magsombol, Lampara, Lampara Literacy Movement, Literacy, LRP, Non-Government Organization, NGO, Prime Movers, Volunteerism, Volunteers, Youth, Youth Organization
Mag-post ng isang Komento